Reality Check!


Friday, July 15, 2005

pagmumuni ng isang bata



And hirap pala na mangarap ng isang bagay na alam mong hindi talaga mapapasa iyo kahit na ano pang gawin mo. Akala mo dati lahat ng bagay na pinapaghirapan nakakamtan. Sabi nila maraming bagay sa mundo ang imposibleng abutin basta ikaw ay nangangarap at gumagawa ng aksyon upang makuha mo ang ninanais mo. Alam mong hindi ka madaling sumuko sa mga pagsubok. Matigas ka at mapursige. Oo nga sabi nila, malutong kang magmura pag nawawalan ka ng pasensya, magaling magreklamo at iyakin pa… pero alam mo sa sarili mo na hanggang ganoon lang iyon kasi may tiwala ka naman na kaya mong makuha kahit na ano pa yan basta ginusto mo.

Dati iyon. Pero paano kung ngayon, gusto mo ng mawalan ng pag-asa?

Ang hirap talaga magmahal lalo na pag alam mong hanggang kaibigan nalang talaga kayo. Mahirap kasi magmahal ng taong hindi pa kayang buksan ang puso at subukang magmahal muli.

Mahirap malaman na hindi pa niya kayang magmahal. Kaya eto naman ikaw, pinipilit ipakita sa kanya ang ligaya na naidudulot ng pagmamahal mo. Malay mo nga naman kung baka gumising nalang siya isang araw at maramdaman niya bigla ang lahat ng ito?

Mahirap ding malaman na maraming naghihintay sa pag galling ng mga sugat ng kanyang puso. Yun bang, hindi lang pala ikaw ang gumagawa ng mga ginagawa mo, isang batalyon pa pala kayo?!

Kapag alam mong may kasama/kinakausap/iniisip siyang iba, mahirap ngumiti sa harap niya at magpanggap na wala lang ang lahat ng nararamdaman mo dahil ayaw mo siyang mabahala. Sino ka lang ba naman d ba?

Mahirap ipaliwanag kung paano mo parin naiintindihan at tinatanggap ang kanyang sitwasyon kahit na alam mo namang lubos ka ng nasasaktan at wala rin itong patutunguhan… na kahit ano pang sabihin niya, wala kang piniling gawin kung hindi tanggapin lang ito at intindihin. Bakit? Isa lang naman ang sagot mo diyan, dahil ganoon talaga magmahal.

Mahirap umasa sa alam mong wala ka naman talagang maasahan pero pilit mo paring iginigiit sa sarili mo na walang imposible at may pag asa pa. Kahit naman kitang kita mo na ang mga panget posibleng mangyari, andiyan ka parin naghihintay dumating ang araw na sabihin niyang hindi nasayang ang iyong pag-asa.

Mahirap pigilan ang pagiyak habang kausap mo siya. Minsan talaga dumarating ang pagkakataon na gusto mong sabihin kung gaano mo siya kamahal kahit hindi mo alam kung bakit sa lahat ng tao, siya pa ang pinili mong mahalin. Ang masaklap pa nito, kung masasabi mo man ang iyong nasasaloob, wala namang itong madudulot na pagbabago.

Mahirap Makita ang iyong sarili na iniisip siya gabi gabi upang Makita mo siya sa iyong panaginip. Nakakatawa pero iniisip mo lang kasi na baka mapaginipan mo siya at baka sakaling maging kayo kahit na sa panaginip na lamang.

Mahirap tumingin ng direcho sa kanyang mga mata sapagkat nakikita mong hindi iyon ang mga matang may laman ng pagibig. Nahihirapan ka tumingin sapagkat alam mong nahihirapan na rin siya… na sabihin sayong… tama na.

Mahirap pag takpan ang katotohanan na sa lahat ng kahirapang dinaranas mo ngayon, sa huli, ikaw at ikaw lang ang masasaktan.

Mahirap iwanan ang pagibig na ito kahit alam mong ikaw ang palaging talo. Karaniwan ay masmasarap pang magpatalo basta alam mong nagiging masaya siya sa iyo kahit papaano.

Sa lahat ng mga mahihirap na ito, ayaw mo parin isuko ang laban. Patuloy kang nangangarap ng isang panaginip na sa kanya lamang nakasalalay ang susi para gawin itong katotohanan.

Mahirap, masaklap, masakit. - 071305

Posted by Thinker :: 10:41 AM :: 0 Comments:

Post a Comment

---------------------------------------